Advertisers

Advertisers

Dahil sa kape, sekyu patay sa kabaro

0 11

Advertisers

PATAY agad ang isang security guard nang barilin ng kapwa sekyu sa Caloocan City, Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Joel Moreno, 48 anyos.

Nangyari ang insidente sa isang subdivision sa Bagombong, North Caloocan 8:00 ng gabi.



Naka-duty si Moreno nang dumating ang kasamahang si Romnick Perote, 34, na naka-off duty noon.

Ayon sa saksi, nakainom si Perote at pumunta ito sa guardhouse para magkape. Sinita ito ng biktima at pinagbawalan tumambay sa guardhouse. Nagtalo ang dalawa hanggang hinampas ng biktima ang salarin gamit ang walis tingting.



Kumuha ng baril si Perote sa guardhouse, binalikan si Moreno at pinutukan ng ilang beses.

Nagtamo ng tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Moreno na kaagad namatay.



Tumakas ang salarin ngunit naitimbre kaagad ng Caloocan Police sa Quezon City Police District (QCPD) ang pagtakas nito patungong Novaliches.

Sa isang checkpoint sa Quezon City ay naaresto si Perote.

“Naharang natin itong description na ibinigay ng Caloocan City Police Station — ‘yung description ng jeep na sinakyan ng salarin at ekstaktong description ng salarin,” ani Lt. Colonel Jerry Castillo, Novaliches Police Station commander.

Nakuha kay Perote ang isang baril na kargado ng bala.

Inamin ng salarin ang pangyayari, sinabing pinagsisisihan niya ang insidente.