Advertisers
PINALAKAS ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay laban sa mga scam na gumagamit ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP) upang makapanloko ng mga motorista.
Inatasan na ni PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang monitoring matapos iulat ang pagpapadala ng mga pekeng text message na nagsasabing may hindi pa nababayarang traffic violation ang mga recipient.
Ayon sa pulisya, ginagamit ng mga scammer ang mga mapanlinlang na mensahe at website upang hikayatin ang mga biktima na mag-click ng malicious links o ibigay ang kanilang personal at financial information.
Maaari anito suriin ng mga motorista ang kanilang traffic violations sa mga lehitimong online platform gaya ng eGovPH application at online services ng MMDA.
Hinimok naman ang mga motorista na maging maingat sa mga text o mensaheng may kaugnayan sa traffic violations at payment notices, lalo na kung may hinihinging personal o financial information o naglalaman ng kahina-hinalang link.