Advertisers
NAGBABALIK na ang Hari ng Primetime na si Coco Martin para bigyang-buhay ang isa na namang dekalibreng obra ni Fernando Poe Jr. na “FPJ’s Batang Quiapo,” na mapapanood simula Pebrero 13 ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Pagkatapos ng makasaysayang seven-year run bilang Cardo Dalisay sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” muling sasabak si Coco sa mga makapigil-hiningang bakbakan bilang ang matapang at astig na tagapagtanggol ng bayan na si Tanggol/Baldo sa “Batang Quiapo.”
Isang star-studded cast ang makakasama ni Coco sa serye, kabilang na ang anak ni FPJ na si Supreme Actress Lovi Poe. Ito rin ang kauna-unahang FPJ title na gaganap si Lovi.
Sa isang teaser na inilabas ng ABS-CBN, ibinahagi ni Coco kung gaano ka-importante para sa kanya na gumawa ulit ng panibagong kwento ni FPJ na hindi lamang siksik sa action scenes, kundi puno rin ng mahalagang aral na kapupulutan ng mga manonood.
“Napakalaking bagay nito na napapalabas namin ang kanyang mga pelikula na nagawa. Nakakapagbigay kami ng napakagandang kwento at inspirasyon sa lahat ng mga Pilipino,” sabi ni Coco.
Ang “Batang Quiapo” ang magsisilbing unang sabak ni Coco bilang aktor, co-director, at co-producer sa ilalim ng CCM Film Productions na ipapakita ng serye ang kagandahan ng lugar at iba’t ibang mga kwentong Pilipino mula sa Quiapo.