Advertisers
TIWALA si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na malaki ang maitutulong sa kabuhayan ng mga Pilipino ang itatayong North-South Commuter Railway (NCR) system.
Inihayag ito ni Pangulong Marcos kasabay ng pagsaksi niya sa paglagda ng Pilipinas at Japan ng kontrata sa itatayong NSCR system na ginanap sa Ceremonial Hall ng Palasyo ng Malakanyang.
Lumagda sa nasabing kontrata sina Transportation Secretary Jaime Bautista at Mitsubishi Corporation Executive Vice President Koji Ota.
Ang nasabing NSCR system ay magdurugtong sa kahabaan ng Clark, Pampanga patungong Calamba, Laguna.
Tiyak na mapapadali at mapapaikli ang biyahe mula sa International Airport patungong Calamba City at magkakaroon ng 35 stations na may ligtas na access sa mga pasahero na matibay din laban sa mga kalamidad.
Sinabi ng Pangulo na ang naisarang kontrata ay isa lamang na nagpapatunay ng kahalagahan ng mga proyektong imprastraktura sa pagbangon at pag-angat ng ekonomiya.
Binigyan-diin ng Punong Ehekutibo na isa itong hakbang na maisakatuparan ang komportable at magandang buhay ng bawat Pilipino. (Vanz Fernandez)