Advertisers
Natagpuan ang aluminum boat na ginamit nang nawawalang apat na rescuers ng Philippine Coast Guard (PCG) noong kasagsagan ng Bagyong “Egay” sa Aparri, Cagayan.
Kinumpirma ni CGLt SG Miguel Angelo Gangan, Commander ng (PCG)-Cagayan station na ang aluminum boat na may markang AB056 na natagpuan sa Calayan Island nitong Linggo.
Ayon kay Capt. Fermin Castillo ng M/V Eagle Ferry-Calayan na siyang nakarekober sa aluminom boat, nakita niyang palutang-lutang sa karagatang bahagi ng Fuga Island malapit sa Calayan Island ang naturang banka.
Agad niya umano itong ipinagbigay alam sa awtoridad at ngayon naipasakamay na sa PCG Calayan Station.
Kaugnay rito, isang bangkay rin ang natagpuan sa dalampasigan ng Calayan na inakalang isa sa mga nawawalang rescuers subali’t kinumpira ng PCG na hindi nila ito kasamahan at hindi rin kabilang sa mga nawawala at hinahanap nilang rescuers.
Samantala, ayon naman kay CGLt Gangan, hindi pa rin umano nila matukoy kung saan ang kinaroroon ng apat nilang kasamahang nawawala nguni’t, isasagawa nila ang search and rescue (SAR) operation sa Fuga, Dalupiri at sa mga karatig pa na isla.
Magiging katuwang pa rin ng PCG ang Tactical Operations Group (TOG) 2 para sa pagpapatuloy ng SAR operation.
Matatandaan na noong Hulyo 26, hinampas ng malalaking alon ang sinasakyang aluminum boat ng apat na rescuers ng PCG nang respondehan nila ang pitong tripulante na sakay ng tugboat sa bukana ng Cagayan River.(Jocelyn Domenden)