Advertisers
INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maisasakatuparan parin ang pagkakaroon ng P20 kada kilo ng bigas sa bansa.
Sa panayam ng media sa isang event sa Zamboanga City, sinabi ni Pangulong Marcos na kung magpapatuloy ang pagganda ng sitwasyon ng sektor ng agrikultura at cost of production ay maaabot ang target na P20 kada kilo ng bigas.
“May chance lagi ‘yan,” sabi ni Pangulong Marcos nang tanungin ng media kung pwede pa ba ang PhP20.00 kada kilo ng bigas. “(K)ung maayos natin ang production natin at maging maayos, hindi na tayo masyadong bagyuhin at ‘yung mga tulong na ibinibigay natin sa mga farmer ay hindi na nila napapansin.”
Paliwanag ng pangulo, ang mga dahilang ito ang humaharang kaya hindi mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin partikular ang presyo ng bigas.
Sa ngayon, iginiit ng pangulo na ginagawa ng gobyerno ang lahat paraan para matiyak na abot kaya pa rin ang presyo ng pagkain sa mga pamilihan.
Isa aniya sa mga paraan ay ang pagtatalaga ng National Food Authority Council ng bagong price range sa pagbibili ng palay na mula sa P16 hanggang P19 kada kilo ng tuyong palay ay gagawin itong P19 hanggang P23 kada kilo. (Vanz Fernandez)